Skip to main content
Mga Paksa

Mga online challenge

Ano ang mga online challenge?

Kadalasan, kasama sa mga online challenge ang mga taong nagre-record ng kanilang mga sarili habang gumagawa mahirap na bagay, na ibabahagi nila online para himukin ang iba na gayahin ito. Masaya at ligtas ang karamihan, pero ang ilan ay nagsusulong ng mga nakakasamang paggawi kasama ang panganib na magtamo ng malalang pinsala. Ipinagbabawal ng aming Community Guidelines ang mga mapanganib na challenge.

Kapag nakakatanggap kami ng mga report tungkol sa isang mapanganib o nakakasamang challenge na kumakalat online, nag-iimbestiga kami. Kung minsan, wala kaming nakikitang ebidensya ng trend – kahit pa maraming nagbabahagi at nagre-report ng mga babala sa ibang platform o sa media.

Ang ilang challenge ay mga hoax. Ang hoax ay isang kasinungalingang sinasadyang gawin para paniwalain ang mga tao sa isang bagay na hindi totoo. Layunin ng mapaminsalang hoax na magpalaganap ng takot at panic. Partikular nang nakakasama ang mga hoax na nauugnay sa mga challenge para sa sekswal na pag-atake o pagpapakamatay at pananakit sa sarili. Kung nag-aalala ka na baka saktan ng isang tao ang kanyang sarili o magpakamatay, tingnan ang mga resource tungkol sa pagpapakamatay at pananakit sa sarili na nakalista rito. Kung nakaranas ka ng sekswal na pag-atake, puwede kang makahanap ng mga source ng suporta mula sa mga eksperto sa aming nakalaang page.

Ano ang gagawin ko kung may makita akong online challenge?

HUMINTO: Mag-pause sandali.

MAG-ISIP: Ligtas ba ito? Nakakasama ba ito? Totoo ba ito? Kung hindi ka sigurado, magtanong sa isang mga mas nakatatanda o sa mga kaibigan, o maghanap pa ng impormasyon sa mga source online na mula sa awtoridad.

MAGPASIYA: Kung mapanganib o nakakasama ito, o hindi ka sigurado, huwag na itong gawin. Hindi worth it na ipahamak mo ang iyong sarili at ang iba.

KUMILOS: I-report sa app ang mga nakasasamang challenge o hoax. Huwag ibahagi ang mga ito.

Huminto sandali

Puwedeng maging mahirap suriin ang mga online challenge at viral na babala. Kung may makita kang video, huminto sandali para isipin kung ano ang nakita mo, ano ang naramdaman mo dito at kung paano mo gustong tumugon. Itanong sa sarili ang mga ito:

Kapag iniisip kung ligtas ba ang challenge para sa iyo o sa iba, tanungin ang sarili:

  • Saan puwedeng magkaproblema?
  • May espesyal ba na kakayahan o pagsasanay ang taong gumagawa ng challenge?
  • Mukha bang may ginawa sila para mabawasan ang panganib?
  • Kung oo, sapat ba iyon para matiyak na walang nasaktan o sinuwerte lang ba sila?
  • Available ba sa iyo ang mga bagay na ginawa nila para mabawasan ang panganib?
  • Kung sinubukan mo ang challenge, gaano ka kasiguro na hindi ka masasaktan o ang iba?
  • Kung ikaw o ang iba ay masaktan nang malubha, paano iyon makakaapekto sa buhay mo?
  • Paano ito makakaapekto sa buhay ng iyong pamilya at mga kaibigan?

Madaling makita ang ilang panganib pero ang iba ay mas kumplikado at mahirap makita. Kung hindi ka sigurado, puwede kang maghanap online para sa impormasyon mula sa mga mapagkakatiwalaang source o tanungin ang mga kaibigan. Kung kabataan ka, magtanong sa isang mas nakakatanda na pinagkakatiwalaan mo. Karamihan ng mga nakakatanda sa iyong buhay ay may likas na kakayahang protektahan ka at gusto nilang makatulong, kaya naman napakahusay nilang mapagkukunan ng suporta at payo. Puwede ka nilang tulungang maunawaan kung ano ang nakita mo at alamin kung ligtas bang gawin ang challenge.

Kung mapagpasiyahan mong masyadong mapanganib ang challenge, o hindi ka sigurado, huwag itong gawin.

Posibleng walang panganib ng pinsala ang ilang online challenge, pero puwede itong magdulot ng pinsala sa ibang paraan. Tanungin ang sarili:

  • Kung may kasamang ‘pag-prank’ sa isang tao ang challenge, ano ang mararamdaman ng taong iyon?
  • Iginagalang ba nito ang mga personal na limitasyon at karapatan ng iba?
  • Posibleng bang magresulta sa pinsala sa ari-arian ang paggawa sa mga challenge?
  • Anong mga kahihinatnan ang puwede mong harapin kung gagawin mo ang challenge?

Hindi nakakatawa ang mga challenge o hamon na nagdudulot ng kahihiyan o pagkabalisa. Hindi kailanman katanggap-tanggap ang pangha-harass o pang-aabuso, pinsala sa ari-arian at mga kriminal na paggawi.

Kung may makita kang challenge o viral na babala, maging alerto sa posibilidad na baka hoax ito o usap-usapang kumakalat. Tanungin ang sarili:

  • Ang challenge o hamon ba ay isang bagay na talagang ginagawa ng mga tao o kalokohan lang ito?
  • Kung viral na babala ito, mula ba ito sa isang maaasahang source?
  • Ang tao bang nagbahagi ng content ay mukhang mayroon talagang kaalaman o inuulit lang niya ang nalaman niya sa iba?
  • Maingat ba at kalmado ang ulat o may kasama itong salitang madrama o kapana-panabik?
  • Pareho ba ang babala sa mga natanggap mo na dati?

Ang maganda sa mga online na komunidad ay may mahalagang tungkuling ginagampanan sa pagpapasiya ang lahat ng sangkot kung hindi sisikat o kung magva-viral ang content. Ang pagla-like, pagbabahagi at pagbibigay ng mga positibong komento ay mga paraan para ipakita ang iyong suporta para sa isang video. Karapat-dapat ba ang video para sa iyong suporta?

Hindi nagbibigay ang TikTok ng reward sa mga creator na nagpo-post ng nakakasamang content. Kung nakasasama ang isang challenge, huwag itong ibahagi o i-like. Kung sumisikat ang isang challenge, mas malamang na makikita ito ng iba at matutuksong gawin ito. Bagama’t mukhang nakakatulong, ang paggawa ng mga video para balaan ang iba tungkol sa mga nakakasamang challenge ay kadalasang nagpapasikat sa isang bagay na ayaw mong makita ng mga tao o hindi sinasadyang nakakapagbigay ng mga detalye tungkol sa kung paano gawin ang isang mapanganib na bagay.

Kung may makita kang babala tungkol sa isang challenge, huwag itong ipasa. Kapag ibinahagi ang mga babala, darami ang bilang ng mga taong nalalantad sa isang nakakasamang challenge o hoax. Sa kaso ng mga hoax, mas nagiging kapani-paniwala ang mga ito.

Oo. Inaalis namin ang content na nagtatampok ng mapanganib, nakakasama o kriminal na mga gawain. Aalisin din namin ang mga video na tumatalakay sa mga mapanganib na challenge kung naglalaman ang mga ito ng mga babalang walang basehan na may intensyong manakot at manggulo, o may mga tagubilin o paglalarawan nakakasamang paggawi. Kung hindi ka sigurado kung posibleng nakakasama ang isang video, i-report ito sa amin at titingnan namin ito. Kung naniniwala kang nanganganib ang isang tao, dapat mong kontakin ang kapulisan.

Para sa mga magulang, guardian at educator

Mula sa mga doktor hanggang sa mga news anchor, mula sa mga negosyante hanggang sa mga atleta, kahit sino ay puwedeng sumali sa isang online challenge. Pero dahil ang pagbibinata o pagdadalaga ay isang yugto kung saan mas matindi ang pagnanais na mag-explore at mag-eksperimento, partikular na nagiging kaakit-akit ang mga online challenge. Gayundin, kadalasang walang gaanong kakayahan ang mga kabataan para timbangin ang panganib at pagkakataon. Nangangahulugan ito na posibleng kailangan nila ng higit pang impormasyon at gabay sa pagpapasiya kung aling mga challenge ang ligtas at kung alin ang malamang na hindi.

Kahit na mukhang mahirap, talagang mahalaga ang pakikipag-usap sa mga kabataan tungkol sa mga online challenge. Karamihan sa mga kabataan ay nakakita na ng mga online challenge at marami ang nakibahagi na rito, kaya walang epekto ang pagsasabi sa kanila na mapanganib ang lahat ng challenge. Sa halip, ipaalam sa kanila na naiintindihan mo na baka naiintriga sila tungkol sa mga online challenge at handa kang makipag-usap, makinig at matuto kasama nila.

Habang pinag-uusapan ninyo ang mga challenge na posibleng nakita o narinig na nila, tulungan silang makita ang mga potensyal na panganib, isaalang-alang ang mga kahihinatnan (kabilang ang posibilidad na baka masaktan sila o ang iba) at pumili nang tama. Ang apat na hakbang na proseso sa itaas (huminto, mag-isip, magpasiya, kumilos) ay isang simpleng paraan para maisip ng mga kabataan ang panganib. Kung nag-aalala ka na baka hindi ligtas ang isang challenge, sabihin ito sa mga kabataan at magbigay ng malilinaw na dahilan kung bakit.

Sikat ang mga challenge dahil nagbibigay ang mga ito ng mga positibong pagkakataon, halimbawa, paggawa ng isang bagay kasama ng mga kaibigan, pagsubok sa mga pisikal na limitasyon, pagpapatawa sa iba o pagiging malikhain. Kung magtanong ang kabataan tungkol sa isang partikular na challenge, kausapin siya tungkol sa kung bakit kaakit-akit ang challenge at tumuklas ng ibang paraan para matugunan ang kanilang interes o pangangailangan.